Select Page

Sa pagsikat ng araw, sa pagtilaok ng manok, at sa tapik ni nanay na nagsasabing, “Anak, gising na.” Ito na, almusal na

Babangon pa lang ako, nakahain na ang pagkain, nananabik na makita kung ano ang putaheng naghihintay sa mesa. Sakto, kumukulo na ‘yung tiyan ko. Kailangan ata nito ng mainit init na sabaw para magising ang natutulog ko pang diwa. Sagana sa rekado; karne na nagbibigay sa akin ng lakas, gulay na nagbibigay ng talino at sustansya. “Kailangan mo ‘yan.” Ang munting payo ni Inay na tila nagsisilbing gabay sa pagharap ko sa hamon ng buhay. Ang usok na may kasamang hagod ng langhap sarap na ulam ay senyales na nakakatanggal pa lang nito sa lutuan. Parang pagmamahal ni Inay, mainit, may hagod at masarap sa pakiramdam. Wala pa ring kupas ang luto ni Inay, patok pa rin ang lasa, kumpleto rekado parang pag-aalaga at pag-aaruga niya sa akin, pinupunan niya lahat ng aming pangangailangan.

Narito na ako sa salas, nagpapahinga, naglilibang. Ngunit ano na naman itong nararamdaman ko, kumakalam na naman ang sikmura ko. Tanghalian na pala. Ano kaya ang ulam? Masarap sana kung kaldereta, tapos medyo maanghang yung sarsa. Panalo yun, parang pagmamahal ni mama, walang katapusan at damang-dama ang init nito. Okay din sana kung adobong manok, yung sakto lang yung alat at manamis-namis, parang paglalambing ni mama, yung tipong lalanggamin kami sa sobrang sweet niya. At ngayon, kahit malaki na ako ganun pa rin siya, hindi pa rin siya nagbabago sa pinapakita niya kung gaano niya ako kamahal. Masarap din yung sinigang na baboy ni mama, sakto lang yung asim, nanunuot yung sarap kapag hinalo mo sa kanin, yung tipong mapapabalik-balik ka sa kaldero para sumandok ulit ng panibago, parang mga pangaral ni mama, swabe lang tinitiyak niya talagang tatatak sa isipan ko at hinding hindi ko makakalimutan.

Tunay ngang walang kupas ang mga putahe na niluluto sa atin ni Inay, mom o mama, lalo na kapag kumpletos rekados, paniguradong mananaba at magiging malusog ka sa araw-araw. Mga luto na tila busog ng pagaaruga, pagtyatiyaga, pangaral at higit sa lahat walang sawang pagmamahal na nagsisilbing kayamanan natin para makamit ang tagumpay sa buhay.

About The Author

Leiser a.k.a PapaJeckoL is an Oleia user and content contributor. He is a Photographer, Composer, Writer, Video editor, Actor, Host, and Director and he has this personal motto “Ang tunay na gwapo, hindi nagpupolbo.”

Shares